Mga Pahina

Huwebes, Oktubre 31, 2013

NANG MAKASABAY KO SI BOB ONG SA JEEP

Isang pangarap.
Photo Credits: www.bubblews.com

Isang pangarap ang makasabay si Bob Ong sa jeep. Hanggang ngayon wala pa din talagang nakaaalam kung sino si Bob Ong. Ilang milyong Pilipino na ang nakabasa ng libro niya. Ilang libro na rin ang naipalimbag niya. Lahat ng ito ay nagawa niya nang wala man lang isang press con o maski isang book signing event man lang.

Hanga talaga ako kay Bob Ong. Noong hasykul ako at nalamang wala palang nakakikilala sa totoong pagkatao niya, lalong tumayog ang paghanga ko sa taong ito. Gusto ko na ang libro niyang "Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?" noon pa man. Nang malaman kong hindi pala niya totoong pangalan ang Bob Ong at wala siyang ni isang litrato sa pahayagan o sa Internet, nag-iba ang pananaw ko sa kasikatan.

Sa panahon ngayon na puro selfie sa Instagram at sikat na sikat ang "Paki-explain Labyu.", napapanahon pa din ang pinakamahalagang bagay na natutunan ko kay Bob Ong. Buhay na buhay pa din sa mga pahina ng mga libro niya ang mga bagay na dapat malaman ng mga Pilipino.

Ayaw niyang sumikat. Gusto lamang niyang maging ordinaryong Pilipino. Hindi niya pangarap ang maging celebrity. Iyan ang tumatak sa noo ko nang malaman kong sa e-mail lamang sila nag-uusap ng publisher niya. Walang kakursu-kursunada si Bob Ong na maging sikat. Marahil ay sumasakay din siya sa LRT o sa jeep. Siguro nga ay isang beses ay nakasabay ko na din siya sa pagko-commute o sa paghahanap ng mga bagong libro sa National Bookstore. Sa pag-iwas niya sa kasikatan, naniniwala akong mas marami siyang nagawa, nagagawa at magagawa pa sa buhay niya bilang isang ordinaryong mamamayan.

Naalala ko tuloy ang isa sa mga interview kay J. K. Rowling, ang may-akda ng Harry Potter. Nag-panic daw siya noon nang sumikat ang unang libro niya. Nagka- writer's block daw talaga siya at naapektuhan ang pagsulat niya ng Chamber of Secrets. Pero syempre, eventually, naisulat din ang ikalawang libro at natapos nga niya ang buong saga.

Marahil ay iyon ang iniiwasan ni Bob Ong. Isa daw siyang web developer at guro. Sa dami ng digital marketing at social media marketing events na nadaluhan ko, di nga kaya nakilala ko na ang totoong Bob Ong?

Naalala ko si Bob Ong ngayong araw dahil sa isang blog na nabasa ko. Nang tanungin siya kung paano daw ba mahahanap ang passion, ito ang sabi niya at tumatak ang sagot niya sa isip ko, "You don't look for your passion. It's already in you."

Naniniwala ako sa sinabi niya. Hindi hinahanap ang passion. Kasama mo ito sa pagtulog, sa paggising at sa lahat ng ginagawa mo. Ang problema lang, hindi mo maisip na ito na pala ang passion mo dahil mas malakas ang sigaw ng ibang tao, ng mga "experts" at ng mga self-help books. Nalinlang din ako ng napakaraming self-help books. Ang mga kaibigan ko, maganda man ang hangarin nila, alam kong hindi lahat ng sabihin nila ay fit para sa akin. Kumbaga, walang one size fits all na advice. At madalas, ang isang advice ay base lamang sa karanasan ng isang tao. Karanasan nila iyon. At hindi lahat palaging applicable sa sitwasyon ng iba.

Nang tanungin naman siya kung saan daw niya hinuhugot ang mga insights niya, ito ang sabi niya. 
Awareness. Early in my writing career, I once met a well-educated person who commented on my work. She said my books don't really say anything new. But she found the stories interesting because they reminded her of things she already knew but didn't know she knew.
You appreciate a book more when you can relate to it. And the reason you can relate to it is because you consciously or otherwise know and share the same truths all along, but are probably just too preoccupied to realize.
You know it and you understand because you are me. Though sometimes you still need me to remind you of things you didn't know you knew.
Tumpak na naman. Minsan hindi natin kailangan ng "bagong" advice, ang kailangan natin ay ipaalala sa atin ang mga bagay na tila baga nalimutan na natin o kaya naman ay ilahad sa atin ang mga bagay sa ibang pamamaraan upang ma-realize natin.

Umaasa pa ba akong isang araw ay makikila ko rin ang totoong Bob Ong?

Pwedeng oo. Pwedeng hindi. Pero 60% akong umaasa sa sagot na oo. Hindi ba't wala namang sikretong hindi nabubunyag?

Sana isang araw makasabay ko talaga si Bob Ong sa jeep. O sa LRT.

Upang mabasa ang buong interview kay Bob Ong, i-click lamang ang link na ito.

Miyerkules, Oktubre 30, 2013

PARA KAY GINANG

san sebastian college baste
Photo Credits: www.sscrmnl.edu.ph
Hindi ko malilimutan ang hayskul. Ako ay nagtapos ng sekundarya sa San Sebastian College sa Maynila. Kilala din ito sa tawag na Baste. Maraming sikat na personalidad ang nagtapos dito tulad nina Gladys Reyes, Eddie Guttierez at Chavit Singson. Marami akong masasayang alaala sa hayskul. Marami kasi kaming program na ginagawa sa malaki naming auditorium. Malaki ang ginanmpanan ng auditorium namin sa masasayang alaala ko sa San Sebastian. Isa iyong malaking gusali na parang sinehan. Bago ka makarating sa auditorium ay aakyatin mo muna ang mala-Hogwarts na hagdanan na hindi gumagalaw. Ganoon kataas! Luma na kasi ang mataas na gusaling iyon. Ang disenyo nito ay katulad ng mga gusaling makikita mo sa Europa.

Nang simulan ko ang Tagalog blog na ito ay isang tao kaagad ang pumasok sa isip ko. Siya ang aking guro sa Filipino noong ako ay Sophomore pa lamang sa San Sebastian. Siya'y may kaliitan, maputi, laging maayos ang buhok na hindi gumaglaw (at hindi rin maaring galawin) at kilalang-kilala sa tawag na "Ginang". Kung ang lahat ng guro sa San Sebastian ay maaari mong tawaging "sir" o "ma'am", si "Ginang" ay hindi. Siya ang nag-iisang Ginang Bautista.

Pagpasok pa lamang niya sa pintuan ng aming silid noong unang araw ng pasukan ay parang alam ko na agad kung ano ang ituturo niya. Hindi pa nga kami nagsisimula sa Florante at Laura noon ay binanatan na niya agad kami ng mga imortal na linya tulad nito.
"O pagsintang labis ng kapangyarihan, sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw; 'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman, hahamaki'ng lahat masunod ka lamang!"
Paano ko ba malilimutan ang araw na iyon?

Si Ginang ang malaking inspirasyon ko sa pagkatha ng Tagalog blog na ito. Dahil sa kanya ay naniniwala ako na dapat ay may niche para sa mga Tagalog bloggers. Kung tayo'y bihasa sa paggamit ng Ingles sa pagba-blog, tayo rin ay dapat na masanay sa paggamit ng sarili nating wika sa pagsulat. Alam kong matutuwa si Ginang kung malaman niyang mayroon akong ganitong klaseng kaisipan. Iyon kasi ang itinuro ng kanyang buhay sa akin.

Noong hayskul, hindi ko maisip na may mga taong nais ialay ang buong buhay nila sa pagtuturo ng Filipino. Don't get me wrong ha. May pagmamahal naman ako sa wika. Hindi ko lang maisip noong mga araw na iyon na may mga taong sadyang nabighani sa ganda nito. Paano kasi, Ingles ang "usong" wika. Iyon ang salitang ginagamit ng mga pinapanood namin sa sine, binabasa naming mga paperbacks at mga naririnig naming usapan sa radyo noong panahon namin. Walang ipinagkaiba ang sitwasyon namin noon sa kung anong nangyayari ngayon.

Pero nang marinig kong makipag-debate si Atom Araullo gamit ang Filipino, nang marinig kong makipagtalastasan si Chiz Escudero sa ibang senador gamit ang Filipino at makabasa ng mga personal blogs gamit ang Filipino, nag-iba ang pananaw ko nang tuluyan. Lalong nagbago ang pananaw ko nang sa isang fellowship dinaluhan ko ay Filipino ang preaching ng mga pastor. Sa Bread of Life ito sa bandang Quezon City. Iba ang preaching, iba ang dasal, iba ang awitin kung gamit ang wikang Filipino. May kurot sa puso. Kakaiba. Hindi ko maipaliwanag. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit pinili ni Ginang na maging guro sa Filipino.

Nang huling mabalitaan ko ay retired na pala ang ginang sa pagtuturo. Marahil ay nag-pokus na lamang ito sa pag-aalaga ng mga apo niya. Siguro ay sila naman ngayon ang mga estudyante nito. Ilang estudyante din marahil ang dumaan kay Ginang. Sa taas magbigay ng grado niyon ay tiyak kong hindi siya malilimutan ng lahat ng naging estudyante niya. Higit sa lahat sino ba naman talaga ang makalilimot sa nag-iisang si Ginang Bautista? Para sa akin, siya ang wikang Filipinong nagkatawang-tao. Ang buong buhay niya ay iginugol niya para sa pagmamahal sa sariling wika. Ang wikang mas lalo ko pang natutunang mahalin ngayon.

Ang blog na ito ay isang pagtanaw ng utang na loob sa nag-iisang si Ginang Bautista.

Ginang, sana ay mag-online ka isang araw at basahin mo ang blog na ito na para sa iyo.

AYAW KONG MALIMOT ANG ARAW NA ITO

sinigang na isdaAyaw kong malimot ang araw na ito. Una, gumawa na naman ako ng bagong blog. Tanggap ko na. Hanggang may naiisip akong bagong ideya, hindi ako titigil ng kagagawa ng bagong blog. Hindi tulad ng ibang matagumpay na bloggers. Isa lang o dalawa ang blog nila. At dahil doon ay nakakapag-focus sila. Pero tanggap ko na. Iba ako. Iba ang palad ko. Hindi totoong isa lamang ang daan patungong tagumpay. May mga taong tulad ko na kailangang dumaan pa sa proseso. At kasama sa proseso ang pabago-bago ng blog. Sa buhay ko, ika-sampu na yata ang blog na ito na sinimulan ko. Pero parang laging may kulang pa din. O hindi naman kaya ay sobra? Sobra sa ideya at ayaw paawat sa paggawa ng bagong blog? Tanggap ko na. Iba ang palad ko. Ito ako. Pero ang ikinaganda ng bagong blog na ito, hindi ko iniisip na maging popular o kumita. Isa akong marketing professional. Tuwing susulat ako sa Ingles, hindi ko maiwasan na maging mala-marketing ang pagsusulat ko. May mga kailangang i-exaggerate. May mga kailangan ding itago. Gusto ko sa bagong blog na ito, may pagbabago. Gusto kong umagos na parang ilog. Hindi humihinto at nag-iisip kung ano ang isusulat. Sa ganun, matatandaan ko sa tuwing babasahin ko ang mga isinulat ko kung ano ang tunay na saloobin ko noong mga araw na iyon. Ang magsulat na walang itinatago, na walang kinatatakutan na komento at pambabatikos ng iba. Ayaw kong malimot ang araw na ito.

Ikalawa, nagluto si Mama ng Sinigang na Isda. Na kung ano pa man ang isda na iyo ay hindi ko alam. Ngunit ang katotohanan ay pagkasarap-sarap nito. Na-miss ko ang luto ni mama. Ilang araw din siya tumira sa Mexico kasama ang Papa ko at kapatid na si JR. Sinamahan muna nila si Papa doon nang ilang buwan habang nagpapagaling ito matapos operahan. Okey na si Papa kaya umuwi na si Mama. Sumasaya ako sa tuwing maaalala ko na nakarating nang matiwasay sa Pilipinas si Mama. Mag-isa lamang siyang sumakay ng eroplano mula Mexico patungong Japan, mula Japan patungong Pilipinas. Hindi ko alam kung paano ikekwento sa iyo ang araw na aalis siya papuntang Mexico mula dito sa Pilipinas. Takot na takot siya. First time niya kasi sasakay ng eroplano at pupunta sa malayong lugar. Ang makarating siya sa Pilipinas mula sa Mexico nang mag-isa ay isang tagumpay nang maituturing. Hindi ko malilimot ang araw na dumating siya at sinundo mula sa NAIA.

Ikatlo, ilang oras na lang ay paparating na din si Papa. Dalawang linggo daw siya dito maglalagi sa Pilipinas at babalik nang muli sa Mexico. Hindi ko alam kung ano ang parating pero alam kong magiging masaya na malungkot. Masaya dahil magtatapos na ang bunso namin sa kolehiyo. Sa Pilipinas, hindi biro ang mapagtapos ang lahat ng anak sa pag-aaral. Kaya siguro pinilit ni Papa na makauwi sa Pilipinas. Medyo malungkot din kasi wala si JR, ang isa ko pang kapatid na naiwan sa Mexico. Medyo malungkot dahil tila napaka-ikli ng dalawang linggo. Masaya at malungkot. Pipiliin ko na lang ang una.

Ayaw kong malimot ang araw na ito. Una, bagong blog. Ikalawa, ang masarap na Sinigang. Ikatlo, ang pagdating ni Papa.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...