Photo Credits: www.sscrmnl.edu.ph |
Nang simulan ko ang Tagalog blog na ito ay isang tao kaagad ang pumasok sa isip ko. Siya ang aking guro sa Filipino noong ako ay Sophomore pa lamang sa San Sebastian. Siya'y may kaliitan, maputi, laging maayos ang buhok na hindi gumaglaw (at hindi rin maaring galawin) at kilalang-kilala sa tawag na "Ginang". Kung ang lahat ng guro sa San Sebastian ay maaari mong tawaging "sir" o "ma'am", si "Ginang" ay hindi. Siya ang nag-iisang Ginang Bautista.
Pagpasok pa lamang niya sa pintuan ng aming silid noong unang araw ng pasukan ay parang alam ko na agad kung ano ang ituturo niya. Hindi pa nga kami nagsisimula sa Florante at Laura noon ay binanatan na niya agad kami ng mga imortal na linya tulad nito.
"O pagsintang labis ng kapangyarihan, sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw; 'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman, hahamaki'ng lahat masunod ka lamang!"Paano ko ba malilimutan ang araw na iyon?
Si Ginang ang malaking inspirasyon ko sa pagkatha ng Tagalog blog na ito. Dahil sa kanya ay naniniwala ako na dapat ay may niche para sa mga Tagalog bloggers. Kung tayo'y bihasa sa paggamit ng Ingles sa pagba-blog, tayo rin ay dapat na masanay sa paggamit ng sarili nating wika sa pagsulat. Alam kong matutuwa si Ginang kung malaman niyang mayroon akong ganitong klaseng kaisipan. Iyon kasi ang itinuro ng kanyang buhay sa akin.
Noong hayskul, hindi ko maisip na may mga taong nais ialay ang buong buhay nila sa pagtuturo ng Filipino.
Pero nang marinig kong makipag-debate si Atom Araullo gamit ang Filipino, nang marinig kong makipagtalastasan si Chiz Escudero sa ibang senador gamit ang Filipino at makabasa ng mga personal blogs gamit ang Filipino, nag-iba ang pananaw ko nang tuluyan. Lalong nagbago ang pananaw ko nang sa isang fellowship dinaluhan ko ay Filipino ang preaching ng mga pastor. Sa Bread of Life ito sa bandang Quezon City. Iba ang preaching, iba ang dasal, iba ang awitin kung gamit ang wikang Filipino. May kurot sa puso. Kakaiba. Hindi ko maipaliwanag. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit pinili ni Ginang na maging guro sa Filipino.
Nang huling mabalitaan ko ay retired na pala ang ginang sa pagtuturo. Marahil ay nag-pokus na lamang ito sa pag-aalaga ng mga apo niya. Siguro ay sila naman ngayon ang mga estudyante nito. Ilang estudyante din marahil ang dumaan kay Ginang. Sa taas magbigay ng grado niyon ay tiyak kong hindi siya malilimutan ng lahat ng naging estudyante niya. Higit sa lahat sino ba naman talaga ang makalilimot sa nag-iisang si Ginang Bautista? Para sa akin, siya ang wikang Filipinong nagkatawang-tao. Ang buong buhay niya ay iginugol niya para sa pagmamahal sa sariling wika. Ang wikang mas lalo ko pang natutunang mahalin ngayon.
Ang blog na ito ay isang pagtanaw ng utang na loob sa nag-iisang si Ginang Bautista.
Ginang, sana ay mag-online ka isang araw at basahin mo ang blog na ito na para sa iyo.
Hinding hindi ko makakalimutan si Ginang. Binigyan nya ako ng 85% sa aking sulating pangwakas. Kahit ang laman lamang nito ay "Lupang Hinirang".
TumugonBurahinHaha! Memorable na memorable bro ah.
Burahin