Mga Pahina

Miyerkules, Nobyembre 20, 2013

KUNG PAANONG BINAGO NG ISANG SEMINAR ANG BUHAY KO

dean pax lapid seminar go negosyo steps to super business entrepreneur
Salamat kay Ginoong Fernando Belarmino para sa litratong ito. Dahil
kailangan kong umalis ng maaga, wala ako dito. Aray.
Napayapos na lang ako sa nanay ko noong gabing nalaman ko ang nangyari sa nanay ni Bennette.

Mga ilang araw bago ang pinakahihintay naming proyekto para sa seminar ni Dean Pax Lapid, nalaman kong isa ang ina ni Bennette sa mga naaksidente dahil sa nangyaring banggaan sa EDSA. Sakay ng bus ang nanay ni Bennette noon. Wala itong ID kaya hindi ito agad nakilala. Noong gabing nangyari ito ay hindi daw nakauwi agad ng bahay ang nanay ni Bennette,  na siya namang ipinagtaka ng huli. Nang sumapit ang umaga nang susunod na araw ay iba na ang naramdaman ni Bennette. Tumawag na siya sa pulis at nalaman agad ang tungkol banggaang nangyari sa EDSA. Mga ilang oras ang nakalipas, nakita ni Bennette ang kanyang nanay na comatose sa ospital.

Napayapos ako sa aking ina. Nanonood kami ng TV noon at laman ng balita ang nangyaring super typhoon sa Tacloban. Isa itong araw na hindi malilimutan ng mga Pilipino. Buong mundo ay nakatutok sa mga pangyayari sa Pilipinas. Laman ng balita ang mga nakakalungkot na nangyari sa Tacloban at iba pang parte ng Visayas at Mindanao gawa ni Yolanda (ang super typhoon). Ang mga sigawan at mga gumuguhong bahay ay nakunan din gamit ng camera. Ang mga litrato ng mga nagugutom na bata’t matatandang nanghihingi ng tubig ay makikita rin sa social media. Napalunok na lang ako nang makita kong kinukunan ng video ang mga tao doon na pare-pareho ang hinihiling -- tubig at pagkain. Masakit isipin na may tubig kami sa ref na malamig at maraming nauuhaw na mga Pilipino sa Tacloban. Ganoon pala ang pakiramdam -- masakit.

Lalo akong napayapos sa aking ina. Napakarupok pala ng buhay, wika ko sa sarili ko. Sa isang iglap lang ay pwedeng mawala ang lahat. 

Mga ilang araw lang bago ang gabing iyon ay inihatid naming papuntang paliparan si Papa. Isa siyang OFW. Ilang araw na lang mula ngayon ay magtatapos na ang aming bunso sa kolehiyo. Pero wala siya. Mahal kasi ang plane ticket sa mga petsang malapit sa Pasko kaya hindi niya ito nabili. Kung may pera lang ako, sabi ko sa sarili ko. Kung may pera lang ako...

***

Natuloy ang seminar ni Dean Pax noong ika-19 ng Nobyembre. Mapalad din na natuloy ako sa pagpunta dito kahit sa dami ng mga bagay na dapat kong habulin at gawin. Pero mapagpala ang Diyos. Hindi ko malilimutan ang araw na ito.

***

Si Dean Pax nga pala ang isa sa mga may-akda ng librong “21 Steps on How to Start Your Own Business” ng Go Negosyo. Isa itong national bestseller. Ang librong ito ay unang ipinalimbag sa Ingles at saka isinalin sa Tagalog. Naniniwala akong marami itong natulungang maliliit na negosyanteng nais magsimula ng kani-kanilang negosyo. Kay palad akong mapasama sa seminar na ito nang libre. Ang iba ay nagbayad ng mga P2,000 para lamang makasama dito. Sa katunayan, ang mga ganitong seminar kay Dean Pax ay nagkakahalagang P15,000 sa AIM. Pero ika nga niya sa amin kaninang hapon, “pamasko” daw. 

Napangiti ako sa isa pang pagkakataon.

Ala-1 ng hapon ang simula ng seminar. Alas-12 ng tanghaling tapat ay nasa venue na ako. Nang sabihin ng personnel na sarado pa daw ang venue ay itinuro din ako nito sa kabilang pintuan kung saan nandoon ang mga organizer.

Lumakad ako papunta dito at kumatok nang isang beses. Walang tumugon at wala din akong makitang tao. (Glass ang pintuan.) Isang katok pa. Hayun at may isang bungisngis na mestisuhing lalaking naka-Amerikana na binuksan ang pinto para sa akin.

"Ikaw ba si Fernando?” wika ng lalaki.

”Naku hindi po. Kasama ko po yun na blogger. Ako po si Mark. Nice to meet you, Dean Pax,” tugon ko.

“Ah ikaw si Mark! You can sit down there. We’ll start in a few minutes. 12:30 we’ll fix the room. 12:30.” Sabi ni Dean Pax habang palakad na pumasok muli sa silid niya. Naupo ako sa receiving area, nagbukas ng laptop at tinanong ang sarili, “Bakit siya pa ang nagbukas para sa akin?” 

Napangiti ako sa unang pagkakataon sa araw na iyon. Ibang klaseng boss si Dean Pax.

***

Isang beses sa ating buhay ay makakakilala tayo ng isang tao na makakapag-pabago ng pagkatao natin. Sa kaso ko, masasabi kong higit pa yata sa sampu ang mga taong iyon. Lahat sila ay naging kasangkapan para hubugin ako bilang tao. Malilimutin man ako sa pangalan at hindi matandain ng mukha, hindi ko malilimutan ang mga taong nag-iwan ng marka sa akin. Masasabi kong isa na doon si Dean Pax.

Marami-rami na rin akong napuntahang seminars. Ang totoo, halos linggo-linggo ay may seminar ako simula nang magtrabaho ako. May seminar para sa mga dentista. May seminar para sa mga nais mag-negosyo ng Amway. May seminar para sa mga gustong maging digital marketer. May seminar para sa mga gustong maging e-commerce entrepreneur. Idagdag mo pa ang pagiging blogger ko na laging naaanyayahan sa mga events. Sa simbahan namin sa Victory Ortigas, bukod sa weekly preaching ay marami ding seminar. Ang totoo, kahit ako nga ay naaanyayahan na magsalita sa mga seminar. So, seminar, seminar, seminar. Sa madaling salita ay nag-aalmusal ako ng seminar.

Pero iba. Iba ang seminar na ito ni Dean Pax. Oo, mahusay na speaker si Dean Pax. Walang debate tungkol doon. Pero higit pa doon ang rason ko kung bakit di ko malilimutan ang seminar na ito sa buong buhay ko (walang halong biro). Mas personal ang aking rason. Sa aking palagay, tila baga dinala ako sa seminar na ito sa panahong kailangang kailangan ko ito. 

Tungkol sa pagnenegosyo at matamang paghahawak ng pera ang seminar. Kasabay nito ang pagsisimula ko sa pagbuo ng mga pangarap para sa pamilya ko at sa sarili ko. 25 na ako. Pero ngayon ko lang gagawin ito. Ika nga, may timing ang lahat ng bagay. Siguro nga, late bloomer ako sa pangangarap ng tagumpay sa buhay.

Di bale na.

***

Ito ang ilan sa mga mahahalagang naalala ko sa seminar.

1. Tatlong ”P”. Personal. Positive. Present Tense. Sa tuwing magpa-plano daw ay isaisip ang talong “P” na ito. Halimbawa, nais mong maging entrepreneur. Huwag mong sabihing, “Magiging entrepreneur ako.” Sabihin mo, “Ako ay isang entrepreneur.” Personal. Positive. Present Tense.

2. Sa pagnenegosyo, isipin kung ano ang mayroon ka. Hindi kung ano ang wala ka. Ano ang magagawa mo upang maisakatuparan ang negsyo mo? Huwag mag-focus sa mga limitasyon mo.

3. Upang maging matagumpay sa negosyo, matutong mag-risk. Walang negosyong nasimulan na 100% sure agad ang tagumpay. Ang mahalaga ay ang makapagsimula.

4. Maraming kaisipang mali na dapat baguhin upang magtagumpay. Isa na rito ang “Money is the root of all evil.” Mali ito. Sabi sa Bible, “The love for money is the root of all evil.” Hindi kasalanan ang magkapera. Ang sabi pa nga ni Dean Pax, “Poverty is the root of all evil.” May point siya.

5. Makinig sa mga taong dapat pakinggan. Maghanap ng patunay ng kanilang tagumpay bago makinig.

6. Mag-negosyo ka sa isang bagay na alam na alam mo, huwag yung aaralin mo pa lang. Hanapin mo kung saan ka mas magiging "natural". Ito ang tutulong sa iyo para mahanap mo ang iyong Passion, Potential at Peso.

7. Itanong sa sarili: “Ano ang 3 pinakamalaking rason kung bakit nais mong maging entrepreneur?” Kung convinced ka sa sagot mo, magsimula ka na. Kung hindi, hanapin mo ang tamang sagot.

8. Maling tanong: Ano ba ang patok na negosyo ngayon?

9. Tamang tanong: Ano ang magandang negosyo base sa mga hilig ko?

10. Ang totoong entrepreneur ay iyong may planong umalis sa pagtatrabaho upang makagawa ng product, service at trabaho para sa ibang tao. Hindi entrepreneur ang tawag sa taong nagpa-planong umalis sa trabaho para ang maging boss at empleyado ay parehong siya.

11. Hindi sapat ang Passion. Dapat ay may Potential ka din sa bagay na iyon. Dahil, Passion + Potential = Peso.

12. Hindi nagta-tithe upang may kuning kapalit mula sa Diyos. Ang pagta-tithe ay bunga ng pasasalamat sa Diyos.

13. Ano ang Passion mo? Isulat mo sa isang papel ang 10 bagay na tingin mo ay Passion mo. Ilang beses sa isang lingo mo iniisip ang bawat isa sa kanila? Kung ang sagot mo ay 21 x a week mong iniisip sa isang linggo ang bagay na iyon, iyon ang "love" mong gawin. Ito ang magandang basehan ng negosyo.

14. Saan ka naman magaling? Maaari mo itong malaman kung ira-rank mo ang 10 Passion mo base sa oras na ginugol mo upang ma-train sa bawat isa dito. Ang may pinakamaraming oras na training ang siyang magandang basehan ng negosyo.

15. Ang problema ng iba ay oportunidad mo. Ibukas mo ang iyong mga mata tuwing may krisis o sakuna.

***

Ilan lamang ito sa mga natutunan ko. Ang totoo, makita ko pa lang si Dean Pax ay para na rin akong nagbasa ng libro tungkol sa tagumpay. Isa siyang bungisngis at masayahing tao. Hindi man niya sinabi ng direkta, naisip kong ang pagiging masaya sa gitna ng mga pagsubok sa buhay ay isa sa mga daan patungong tagumpay.

Pangalawa, natutunan ko rin na kung may gusto kang isang bagay ay makukuha mo ito. Mabuti ang Maykapal. Ang trabaho Niya ay tulungan ang mga anak Niyang maging masaya at matagumpay sa buhay. Hangad Niyang maging masaya at matagumpay tayo upang mai-share din natin ito sa iba.

Walang mali sa pagkakamal ng malaking salapi. Ang masama ay ang pagpapayaman sa maling paraan, ang pagiging madamot at ang pagkalimot sa Diyos.

***

Ako ay masaya at matagumpay! Tumutulong sa aking pamilya, sa iba at higit sa lahat, nag-aalay ng pasasalamat sa Panginoon dahil sa pagpapala nitong hindi ko kailanman mapapantayan.

Tandaan: Personal. Positive. Present Tense.

***
“Ako ay may sapat na lakas na gawin ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” -Mga Taga-Filipos 4:13

***

Ang blog na ito ay alay ko para sa kaibigan kong si Bennette, sa kanyang ina, kay Dean Pax at sa lahat ng Pilipinong tulad ko na masidhing nangangarap ng mas magandang buhay.

Huwebes, Nobyembre 14, 2013

BAKIT MAHILIG ANG PINOY SA BUY 1, TAKE 1

angel's buy 1 take 1 burger
Photo Credits: www.samlanuza.com
Isang araw ay dinalaw na naman ako ng aking malalim na pag-iisip habang kinakain ko ang aking paboritong Angel’s Buy 1, Take 1 Burger. (Without cheese, miss, ha.) Hindi ko alam kung bakit ako sarap na sarap sa burger na ‘to. Natikman ko na din naman ang sa Jollibee, McDo, Burger King, Brother’s at Charlie’s. (Iniisip ko pa lang ang Charlie’s Burger sa Kapitolyo, Pasig, natatakam na ako.) Natikman ko na din naman ang sa iba, pero iba ang sa Angel’s eh. Dahil ba sa mura ito? Dahil ba sa Buy 1, Take 1 ito? May psychology kaya sa likod ng sarap ng Angel’s Buy 1, Take 1 Burger?

Umuwi ako sa bahay kaninang sakay ang pedicab galing sa Pureza. Hindi ko maipaliwanag ang saya ko habang kinakain ko ang unang burger at inaalala ang araw na si Quentin Tarantino ay pumunta ng Malakanyang nang naka-Barong Tagalog at sakay-sakay sa pedicab. Simula noon ay nag-iba na ang paningin ko sa pedicab. Hindi lamang ito ang space ship ng mga taga-Maynilang tulad ko tuwing hanggang baywang ang baha. (Pedicab lang kasi ang pwedeng lumusong sa baha.) Naging “cool” tuloy para sa akin ang pagsakay ng pedicab simula nang sumakay dito si Quentin Tarantino. Anyway, balik sa kwento.

Walang anu-ano’y nagkwento na si Manong Pedicab sa akin habang ine-enjoy ko ang paglantak ko ng burger ko. “May nag-away po sa Pureza kanina,” sabi ni Manong, “dalawang babae.” “Bakit daw po, ‘Nong?” tanong ko. “Hindi po namin alam eh. Isang Bisaya at isang Ilongga,” dagdag pa ni Manong. ”Nandoon nga po ang mga asawa nila pero hindi namin inawat. Baka po madamay kami eh,” sabi ni Manong. ”Naku, ’Nong, awatin niyo po sa susunod,” sinabo ko sabay baba sa pedicab. Iniabot ang bayad ko pati na rin ang ikalawang burger.

"Thank you po," sabi ni Manong.

Ito marahil ang nagpapasarap sa Angel’s Buy 1, Take 1 Burger. Inilalagay ang sinumang bumibili nito sa posisyon upang makapagbigay. Naalala ko tuloy ang sabi sa Luke 3:11. “John answered, ‘Anyone who has two shirts should share with the one who has none, and anyone who has food should do the same.”’

Naranasan niyo na bang kumain ng chichiriya nang mag-isa at nasabing mas masarap ang may ka-share? Narinig niyo na rin ba ang kantang may lyrics na “Lonely table just for one…”? Marahil ay ilan lamang ang mga ito sa patunay na mas mainam talaga kung tayo’y nagbibigayan sa isa’t isa at hindi laging solo flight.

Naisip ko rin na kaya siguro patok sa Pinoy ang Angel’s Buy 1, Take 1 Burger ay dahil lagi tayong may pinaglalaanan ng ating ikalawang burger.

Pasalubong. Padala. Pagmamahal. Pagbibigay.

Noong isang araw lang ay inihatid naming si Papa sa airport upang bumalik sa Tijuana, Mexico upang magtrabaho. Hindi ba’t pagmamahal sa pamilya ang rason ng halos lahat ng OFWs sa buong mundo kung bakit sila malayo sa mga pamilya nila?

Pasalubong. Padala. Pagmamahal. Pagbibigay.

Hindi ba’t pagbibigay din ang motibo ng lahat ng Pilipino at banyagang tumutulong ngayon sa mga nasalanta sa Tacloban, Leyte dahil sa Bagyong Yolanda.

Pasalubong. Padala. Pagmamahal. Pagbibigay.

Sa susunod, susubukan ko naman ang with cheese.

Martes, Nobyembre 12, 2013

ANG CHICHARON NI PAX

Hindi na bago sa ating mga Pinoy ang mga rags to riches na mga istorya. Maraming sikat na personalidad
dean pax lapid go negosyo
Photo Credits: www.youaretrulywealthy.com
ngayon na naihaon ang kanilang mga sarili’t pamilya sa kahirapan. Pero iba pala kapag kilala mo na o makikilala mo pa lang nang personal ang isa sa mga taong iyon.

Si Pax ay naulila sa ama noong siya ay labing-isang taong gulang pa lamang. Anim silang magkakapatid. Nang mamatay ang kanilang ama dahil sa liver cancer, naiwan ang responsibilidad sa kanilang ina na buhayin silang magkakapatid.

Lumaking masipag na bata si Pax. Noon ay mayroon silang tindahan ng karne sa Quiapo. Doon ay tinutulungan ni Pax ang kanyang ina sa pagtitinda. Doon din natuto si Pax na maging entrepreneur. Noong siya ay nasa elementerya, natuto ding magtinda si Pax ng kahit na anong kailangan ng kanyang mga kaklase gaya ng school supplies at comics. Noong high school naman ay itininda niya ang kanilang chicharon tuwing may mga programa sa eskwela. Ang kanyang kinikita dito ang nagiging allowance at savings ni Pax.

Hindi ko alam kung may Promil na noon at kung Promil Kid nga ba si Pax. Pero noong nagtapos siya sa elementarya ay pinarangalan siyang valedictorian at with honors naman noong high school. Nang matapos niya ang high school ay kinuha niya ang kursong Mechanical Engineering sa Unibersidad ng Pilipinas at tinapos ito sa loob lamang ng apat at kalahating taon. Karaniwan itong tinatapos ng iba sa loob ng lima at mahigipit pang taon. Sa huling taon niya sa kolehiyo ay naging intern siya sa San Miguel at nakapagtrabaho bilang isang Management Analyst nang full time. Ibig sabihin ay nagtatrabaho na si Pax bago pa man ito makatapos sa pag-aaral. Pagsapit ng Pasko ng 1979, iniregalo ni Pax sa kanyang ina ang kanyang diploma sa kolehiyo at ang kanyang tatlong buwang sweldo nang buo.

Makalipas ang dalawang taon ay nagtrabaho si Pax sa Shell. Doon ay nakamit ni Pax ang isa sa kanyang malalaking pangarap – ang magka-kotse. Disyembre noong taong 1980 nang imaneho ni Pax pauwi ng bahay ang kanyang bagong Mitsubishi Colt Mirage. Nagtrabaho si Pax sa loob ng dalawapu’t dalawang taon sa Shell kahit na apat na beses na siyang nag-resign dito. Sa tuwing siya’y magre-resign ay ipino-promote siya. Para kay Pax, ang kulay dilaw ay swerte.

Nang maging isang Senior Business Executive na si Pax sa Shell, doon na siya nagpasyang magsimula ng kanyang sariling negosyo. Itinayo niya ang mga negosyong tulad ng Meals & Meats, Buns & Meats, MetroPicks, Music & Me at marami pang iba.

Marami pang naitayong mga negosyo si Pax. May mga negosyo din siyang pang-IT at pang-HR. Mayroon din siyang farm kung saan siya’y nagtatanim ng tatlong uri ng letsugas. Pero ang hindi ko gaanong ipinagtataka sa lahat ng kanyang mga naging negsyo ay pagiging exclusive distributor niya ng Lapid’s Freshly Popped Chicharon sa iba’t ibang gas station sa buong Pilipinas. Hindi ba’t chicharon din ang itinitinda ni Pax noong high school?

Ngunit hindi lamang dito nagtatapos ang mga responsibilidad ni Pax. Isa rin siyang tanyag na may-akda ng libro, naging dean ng isang paaralan para sa mga entrepreneur at speaker sa iba’t ibang seminar at conferences tungkol sa pagnenegosyo. Sa katunayan ay sikat siya sa tawag na “Dean Pax”. Una siyang tinawag na “Dean Pax” sa Entrepreneurs School of Asia kung saan siya naging dekano sa loob ng pitong taon.

Dahil sa malapit ang pagnenegosyo sa puso ni Dean Pax, siya rin ay isa sa mga lead advocates at “Angelpreneurs” ng Philippine Center for Entrepreneurship o mas kilala sa tawag na Go Negosyo. Dahil siguro sa mala-MMK na buhay ni Dean Pax ay kaya niya sinimulan ang “NMBK” o ang “Negosyo Mo, Bukas Ko”, isang programa ng Go Negosyo para mabigyan ng kabuhayan ang mga out-of-school youth gamit ang mga negosyo ng mga entrepreneurs. Siya rin ang isa sa mga may-akda ng bestselling na libro na pinamagatang “Go Negosyo: 21 Steps on How to Start Your Own Business”. Isinulat niya itong kasama ni Ping Sotto. Gusto mo na bang itanong ko kay Dean Pax kung anu-ano ang time management strategies niya? Ako din eh! Gusto ko din malaman.

Ang dami ko pa sanang gustong i-kwento sa iyo tungkol kay Dean Pax pero mas gusto kong makilala natin siya nang personal sa darating na ika-19 ng Nobyembre, mula ika-isa hanggang ika-lima ng hapon, sa Businessmaker Training Lounge sa 1203A West Tower, Philippine Stock Exchange (Tektite) Bldg., Exchange Road, Ortigas Center, Lungsod ng Pasig.

Ang kanyang seminar ay pinamagatang “STEPS to a Super Business”. Ito ay ginawa para sa mga negosyante at para sa mga nagbabalak pa lang na magtayo ng sarili nilang negosyo. Ang ticket ay mabibili sa halagang PhP 2,500 kung bibili bago ang seminar. Kung walk-in naman ay PhP 3,000.

Para sa inyong mga katanungan, mangyari lamang na kontakin si Bennette sa 0916-672-5070 o sa mentors@lead-more.com.

Magkita-kita po tayo doon!

Miyerkules, Nobyembre 6, 2013

SUMANG YAKAP

sumang yakap undas batangas
Sasakalin ako ng nanay ko kapag nalaman niyang ako talaga ang umuubos ng mga sumang yakap namin sa bahay tuwing Undas.

Ang sumang yakap ay parang ordinaryong suman lang din. Gawa sa malagkit na kanin na binalot sa dahon ng saging. Ngunit ang sumang yakap ay angat sa lahat ng suman, para sa akin. Hindi dahil taga-Batangas ako at may favoritism ako. Tila gawa talaga sa langit ang sumang yakap. Natikman mo na ba ito?

Galing sa pangalang ”sumang yakap”, ito ay dalawang sumang pinagyakap. Hindi lamang ito ang ikinaangat ng sumang ito. Ito ang sumang may sauce. Ang tawag sa sauce ay “kalamay hati”. Gawa ito sa sangkaka o matamis na bao kung tawagin sa Batangas. Asukal lamang ito na buo, malapit sa muscovado at brown sugar. Unrefined, ika nga. Ang sangkaka ay niluluto kasama ng gata ng niyog. Ang kalamay hati naman ay malapit sa coco jam, mas malabnaw nga lang.

Imagine-in mo ang sumang may sauce na kalasa ng coco jam. Yami!

Ang sumang yakap ay niluluto sa amin, sa Talisay, Batangas, tuwing Undas. Sa buong taon, ang Undas ang pinaka-reunion day naming magkakamag-anak sa side ng nanay ko. Hindi tuwing Mahal na Araw dahil summer outing naming pamilya iyon. Hindi rin Pasko dahil birthday ko iyon. Lalong hindi rin Bagong Taon dahil may pamahiin ang nanay ko na kung anong gagawin namin sa Bagong Taon ay gagawin din namin sa buong taon. Ibig sabihin, dapat ay nasa bahay namin kami sa Maynila. Kaya ekis na mag-reunion kami tuwing Bagong Taon. Kaya Undas. Sa Undas ang reunion.

Undas ngayon nang isinusulat ko ang blog na ito. (Birthday nga pala ng pinsan kong si Ethel. Wow Undas! Happy birthday, Ethel!) Habang kumakain ako ng sumang yakap, naisip ko tuloy, kung may tikoy ang mga Tsinoy, sumang yakap naman ang sa mga Batangueno. Paano ko nasabi?

Pinaniniwalaang nagpapatibay ng bonding ng pamilya ang tikoy dahil sa lagkit nito. Kinakain ito tuwing Chinese New Year. (Kung hei fat choi!) Ang sumang yakap, sa kabilang dako, ay kinakain naman namin tuwing Undas, kasabay ng aming family reunion. Hindi ba’t parang ganoon din ang konsepto ng sumang yakap? Malagkit na kanin, pinagyakap na suman at matamis na bao. Matibay na bonding ng pamilya, mahigpit na yakap ng buong mag-anak at matamis na pagsasama. Huwaw!

Pabiro man akong sakalin ng nanay ko dahil sa sikretong pag-ubos ko ng mga sumang yakap na ipinapadala sa amin ng aming mga tiya mula sa Batangas ay wala pa ring makapag-papabago sa classic na sarap nito at sa bagong kahulugan nito sa akin. 

Sana ay huwag maumay ang aking mga tiya sa pagbabalot ng malagkit na bigas gamit ang dahon ng saging na maingat na kinukuha ng aking mga tiyo. Sana rin ay huwag silang mapagod sa pagpapaliyab ng tungko kung saan kami nagluluto ng sumang yakap.

(Siya nga pala, ang tungko ay parang pugon. May chimney din ito. Mahirap itong paliyabin dahil manual ang pagpapaningas na ginagamitan pa ng panggatong. Pero ibang iba ang lasa ng kanin o kahit na ano pa mang ulam na niluluto sa tungko. Tiyak kong mapapanis ang mga pagkaing iniluto sa kalan kung ihahain kasabay ng mga iniluto sa tungko. Hayaan mo, gagawa na lamang ako ng isa pang blog tungkol dito kung gusto mo.) 

Sana rin ay huwag silang mapagod sa kakahalo ng kalamay-hati na kailangang haluin nang haluin hanggang sa makuha ang tamang tamis at lapot na siyang bubuo sa lasa ng paborito kong sumang yakap.

Sana ay Undas na uli.

Martes, Nobyembre 5, 2013

ANG SISIG SILOG NI MANG PEPE

Hindi ko alam kung anong mayroon sa sisig silog ni Mang Pepe at palaging ito ang binibili ko sa tuwing dadaan ako sa Pureza.
sisig silog pepe pup tapsilog pureza sta. mesa

Ang tapsilogan ni Mang Pepe ay matatagpuan sa Pureza sa may bandang Sta. Mesa, malapit sa PUP. Isang malitt na pwesto lamang ang Mang Pepe na napagigitnaan ng Angel's Buy 1 Take 1 Burger at isang tindahan ng shake. Sa sobrang gutom ko ay minsan na akong bumili ng Buy 1 Take 1 na burger sa Angel's at isang medium na Guyabano shake sa kabilang tindahan matapos mag-sisig silog kay Mang Pepe. Minsan pa, kinaya ko din na mag-take-out pa ng pinakamasarap na spanish bread na mabibili sa tapat na bakery ng Mang Pepe. Sa sobrang sarap ng mga tinapay doon ay nagsara ang Julie's Bakeshop na nagtayo sa tabi nila. Astig.

Hindi lamang sisig silog ang masarap bilhin sa Mang Pepe, paborito ko din ang tapsilog at lechon macau. Habang isinusulat ko ang blog na ito ay natatakam ako sa tuwing maaalala ko ang pagkasarap-sarap na fried rice nila na walong piso lang. Isama mo pa ang masarap na garlic chili sauce na libre lang pati ang version nila ng sarsa na parang mas masarap pa yata sa Mang Tomas. Pwedeng ulam na.

Gusto ko din ang sunny side up sa Mang Pepe. Dahil ketchup and hot sauce all you can sa kainang iyon, lagi akong may order na sunny side up. 

Marahil ay ang pagiging mura ng mga pagkain sa Mang Pepe ang nagpapasarap dito. Natikman ko naman ang Rodic's, ang Rufo's at ang Tapsi ni Vivian. Bakit ba hindi ko hinahanap ang mga iyon kumpara sa Mang Pepe? Dahil ba malapit sa amin ang Mang Pepe? Hindi rin. Dahil ba 24 hours itong bukas? Hindi rin naman.

Siguro ay nagpadagdag pa sa pagiging okay ng Mang Pepe ang pagiging payak nito. Down to earth, ika nga. Ang totoo, sobrang mura sa Mang Pepe. Ang paboritong sisig silog ko? Kwarenta pesos lang yata iyon. Dahil malapit ito sa PUP naka-pwesto, alam kong para sa mga estudyaente ang presyo sa Mang Pepe. At napakapalad ko ding maging malapit sa PUP at na-eenjoy ko ang ibang mga perks ng mga iskolar ng bayan.

Kapag nadaan ka sa Pureza, mapadpad ka sana sa Mang Pepe. Kung cowboy ka at hindi pihikan sa pagkain, swak na swak sa iyo ang tapsilogang ito. 

Sana mabasa ng may-ari ng Mang Pepe ang blog ko at kunin akong endorser. 

Lunes, Nobyembre 4, 2013

ANG NATUTUNAN KO SA FACEBOOK ALGORITHM AT SA BUHAY

facebook mark zuckerberg
Photo Credits: www.technobuffalo.com
Kung may isang mahalagang bagay na naituro sa akin ang algorithm ng Facebook, ito ay ang kung ano ang i-click mo, ito rin ang pupunta sa newsfeed mo.

Ang ibig sabihin nito, sabihin nating mahilig kang mag-like sa mga posts ng “Mga Kwento ni Mark Delgado”. Dahil dito ay makakaasa kang laging may post mula sa page na ito na darating sa newsfeed mo. Ganoon din ang mangyayari kung mahilig kang mag-comment sa posts ng best friend mo. Makaaasa kang laging may post mula sa kanya na makikita mo sa newsfeed mo.

Para sa akin, hindi nalalayo ang algorithm ng Facebook sa buhay. Kung ano ang “likes” natin, we also attract ika nga. Pero minsan, syempre, may mga ayaw tayong posts sa Facebook. Ganoon din sa buhay. At kung magfo-focus tayo sa mga “dislikes” natin (i.e. comment tayo ng comment kahit na pangit na nga o kaya naman ay shine-share pa natin na may kasama pang disparaging remarks), makakaasa ka pa ring may mga katulad ng posts na iyon ang mapupunta sa newsfeed mo. Maliban na lang kung i-block mo ang mga ganoong klaseng posts o kaya naman ay, at ang pinakamagandang gawin sa lahat, i-ignore ito at mag-focus na lamang sa ating mga “likes”.

Ikalawa, malaki ang kinalaman ng mga kaibigan natin sa mga dumadating sa newsfeed natin. Malamang. Kaya mo nga sila kinaibigan di ba? Dahil interesado ka sa mga “contents” na pino-post o shini-share nila? O add ka lang ba nang add ng kung sinu-sino sa Facebook? Like ka lang din ba ng like ng mga pages sa Facebook? Naku, yari! Siguro ngayon ay maisa-suggest ko na piliin mong mabuti kung sino ang ife-friend mo at ila-like na page sa Facebook. Hindi lang for security purposes, para sa sariling interes mo din. What comes to your newsfeed kasi, also goes to your mind. Makakatulong sa iyo kung hindi puro “basura” ang dumadaan sa newsfeed mo. Kaya piliing mabuti kung sino ang ife-friend at ila-like na page.

Ikatlo. At dahil ayaw mo ng negative posts mula sa iba, dapat ay sikapin mo ding gawing makabuluhan ang bawat posts mo. Sabi nga sa Luke 6:31, “Do to others as you would have them do to you.” Kung ayaw mo ng negative posts mula sa iba, what gives you the permission to post negative things sa wall mo? Ang wall mo ay newsfeed ng iba, lagi mo sana itong tandaan. Kung alam mo na makakatulong nang malaki sa iba kung magpo-post ka ng positive things sa wall mo, mag-iisip ka pa bang mag-post ng negative? Positive vibes na lang, di ba?

Ikaapat. Marahil ay makakatulong ito ng malaki sa mga social media marketers na tulad ko. Ito kasi ay patungkol sa mga “Sponsored Posts”. Ang pinakamahalagang bagay na natutunan ko sa pagbu-boost ng posts? I-boost mo pa lalo ang mga posts na may mataas na engagement. Ano ang ibig sabihin nito? Ang posts na mataas ang engagement ay mga posts na maraming likes, comments and shares. Ibig sabihin, gusto ito ng mga friends o fans mo. At dahil gusto nila ito, ito ang mga tipo ng posts na dapat na tulungan mo pa lalo. Hindi katulad ng ginagawa ng ibang social media marketers. Binu-boost kasi nila ang mga posts na mababa ang engagement. Kasi kailangan. Oo nga naman, you need to boost something kasi kailangan nito ng “tulong”.

Pero iba kasi ang konsepto ng social media. Sa social media, ang boss ay ang mga tao, hindi ikaw. Ang gusto nila ang masusunod. Kung gusto nila ang post mo, ila-like nila ito. At ang mga posts na gusto nila ang lalo mo pang dapat i-boost para i-like pa lalo ng iba. Pasensya na. Hindi po ako “religious”. Pero tama ang nasusulat sa Bible. Sabi sa Matthew 25:29, “For whoever has will be given more, and they will have an abundance. Whoever does not have, even what they have will be taken from them.” Kung naintindihan mo ang ibig sabihin nito, maiintindihan mo lalo ang sinasabi ko.

Eh paano naman kung kailangan mo talagang i-boost ang isang post dahil kailangan sa trabaho mo?

Iyan ang challenge para sa iyo. Anong gagawin mo para magustuhan ng mga tao ang ipinost mo? Maaaring nasa pagkakasulat mo ng salita o kaya naman ay sa pagkakadisenyo mo ng poster ang sagot sa katanungan mo.

Sana ay marami kayong natutunan sa post na ito. Ituring ninyo na rin itong paghanga ko sa mga taong nasa likod ng Facebook. Ang Facebook ay parang buhay din di ba? Kaya nga napapaisip ako. Hindi nga kaya ang sikreto ng tagumpay ng malalaking kumpanya tulad ng Facebook ay ang matamang "pagsasalamin", "pag-aadapt" at "pagkopya" ng kung ano talaga ang nasa tunay na buhay?

Biyernes, Nobyembre 1, 2013

ANYARE SA TAGALOG MOVIES?

undin shake rattle and roll 3 manilyn reynes
Photo Credits www.indolentindio.com
Ako lang ba ito o sadyang nakaka-miss talaga ang mga sinaunang Tagalog movies? Ipinanganak ako noong 1987 kaya kinalakihan ko ang mga pelikula noong 90's. Kilala ko sina Roderick Paulate at Manilyn Reynes. At oo, nami-miss ko na sila.

Sadya nga bang nalaos na sila? Pero bakit kung titingnan ko ang mga clips ng mga pelikula nila sa YouTube, ibang iba ang kalidad nila sa mga pelikula ngayon. Huwag sanang masamain ang aking opinyon. Hindi ko ibig sabihin sa "ibang iba ang kalidad nila" na ubod na nang pangit agad-agad ang mga pelikula ngayon. Ang ibig ko lang sabihin ay tila baga mas naaaliw ako sa tuwing panonoorin ko ang mga pelikula nina Roderick at Manilyn. Hinahanap ko ang mga tulad nila sa kasalukuyang panahon.

Talagang hanga ako sa pagganap ni Roderick sa orihinal na Petrang Kabayo. Hindi rin matatawaran ni akting ni Manilyn sa Undin sa Shake, Rattle and Roll 3. Hindi ko alam kung bakit parang nadismaya yata ako at hindi ko minsan binalak ang manood ng mga bagong gawang Shake, Rattle and Roll. Again, hindi ko sinasabing mga ito'y pangit. Marahil preference ko lang talaga.

Iniisip ko pa, di kaya dahil mas rustic ang dating ng mga pelikula noon? Ang pagiging malinaw ba ng mga bagong pelikulang Tagalog ay siyang nagpababa din ng "kalidad" nito? Hindi ba't kusang bumabalik ang mga tao sa "luma"? Sa tuwing titingin ako sa mga edited photos sa Instagram, gustong gusto ng maraming tao ang rustic o medyo lumang "feel" sa kanilang mga litrato. Ang "texture" ba ay may malaking kinalaman sa damdaming nais ipahatid ng isang pelikula?

Ikalawa, iniisip ko din ang styling at make-up ng mga bagong pelikula. Noon, hindi ko alam kung kanya-kanyang palit ng damit ang mga artista. Kung babalikan ko ang mga pelikula ni Roderick, naka-T-shirt lamang siya at naka-shorts. Ibig sabihin, hindi ganoon ka-espesyal ang suot nila noon. Di tulad sa styling at make-up sa mga pelikula ngayon. Malaki kaya ang kinalaman ng pagiging "understyled" ng mga artista noong araw kumpara sa ngayon? Hindi ba mas "authentic" ang look nila noon at mas kaya silang "maabot" ng mga simpleng mamayan?

Ikatlo, sadyang nga lang bang mas mataas ang kalidad ng akting noong araw kaysa ngayon? Ngayon ba'y mas lamang ang laki ng katawan at ganda kaysa sa tunay na galing ng isang aktor o aktres?

Ikaapat, kung ika'y tatanungin kung sino ang makabagong Lino Brocka at Ishmael Bernal, sino ang isasagot mo?

Ikaapat, sa mga indie films na nga lang ba natin makikita ang kalidad na hinahanap natin sa tuwing tayo'y hahanap ng mga pelikulang may malaking pagpapahalaga sa sining at sa pagiging patok sa takilya? (Read: Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros at Ang Babae sa Septic Tank)

Salamat sa pagbabasa hanggang sa parteng ito. Balik lang ako sa pagyu-YouTube hopping ko ng mga lumang Tagalog movies.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...