Ang sumang yakap ay parang ordinaryong suman lang din. Gawa sa malagkit na kanin na binalot sa dahon ng saging. Ngunit ang sumang yakap ay angat sa lahat ng suman, para sa akin. Hindi dahil taga-Batangas ako at may favoritism ako. Tila gawa talaga sa langit ang sumang yakap. Natikman mo na ba ito?
Galing sa pangalang ”sumang yakap”, ito ay dalawang sumang pinagyakap. Hindi lamang ito ang ikinaangat ng sumang ito. Ito ang sumang may sauce. Ang tawag sa sauce ay “kalamay hati”. Gawa ito sa sangkaka o matamis na bao kung tawagin sa Batangas. Asukal lamang ito na buo, malapit sa muscovado at brown sugar. Unrefined, ika nga. Ang sangkaka ay niluluto kasama ng gata ng niyog. Ang kalamay hati naman ay malapit sa coco jam, mas malabnaw nga lang.
Imagine-in mo ang sumang may sauce na kalasa ng coco jam. Yami!
Ang sumang yakap ay niluluto sa amin, sa Talisay, Batangas, tuwing Undas. Sa buong taon, ang Undas ang pinaka-reunion day naming magkakamag-anak sa side ng nanay ko. Hindi tuwing Mahal na Araw dahil summer outing naming pamilya iyon. Hindi rin Pasko dahil birthday ko iyon. Lalong hindi rin Bagong Taon dahil may pamahiin ang nanay ko na kung anong gagawin namin sa Bagong Taon ay gagawin din namin sa buong taon. Ibig sabihin, dapat ay nasa bahay namin kami sa Maynila. Kaya ekis na mag-reunion kami tuwing Bagong Taon. Kaya Undas. Sa Undas ang reunion.
Undas ngayon nang isinusulat ko ang blog na ito. (Birthday nga pala ng pinsan kong si Ethel. Wow Undas! Happy birthday, Ethel!) Habang kumakain ako ng sumang yakap, naisip ko tuloy, kung may tikoy ang mga Tsinoy, sumang yakap naman ang sa mga Batangueno. Paano ko nasabi?
Pinaniniwalaang nagpapatibay ng bonding ng pamilya ang tikoy dahil sa lagkit nito. Kinakain ito tuwing Chinese New Year. (Kung hei fat choi!) Ang sumang yakap, sa kabilang dako, ay kinakain naman namin tuwing Undas, kasabay ng aming family reunion. Hindi ba’t parang ganoon din ang konsepto ng sumang yakap? Malagkit na kanin, pinagyakap na suman at matamis na bao. Matibay na bonding ng pamilya, mahigpit na yakap ng buong mag-anak at matamis na pagsasama. Huwaw!
Pabiro man akong sakalin ng nanay ko dahil sa sikretong pag-ubos ko ng mga sumang yakap na ipinapadala sa amin ng aming mga tiya mula sa Batangas ay wala pa ring makapag-papabago sa classic na sarap nito at sa bagong kahulugan nito sa akin.
Sana ay huwag maumay ang aking mga tiya sa pagbabalot ng malagkit na bigas gamit ang dahon ng saging na maingat na kinukuha ng aking mga tiyo. Sana rin ay huwag silang mapagod sa pagpapaliyab ng tungko kung saan kami nagluluto ng sumang yakap.
(Siya nga pala, ang tungko ay parang pugon. May chimney din ito. Mahirap itong paliyabin dahil manual ang pagpapaningas na ginagamitan pa ng panggatong. Pero ibang iba ang lasa ng kanin o kahit na ano pa mang ulam na niluluto sa tungko. Tiyak kong mapapanis ang mga pagkaing iniluto sa kalan kung ihahain kasabay ng mga iniluto sa tungko. Hayaan mo, gagawa na lamang ako ng isa pang blog tungkol dito kung gusto mo.)
(Siya nga pala, ang tungko ay parang pugon. May chimney din ito. Mahirap itong paliyabin dahil manual ang pagpapaningas na ginagamitan pa ng panggatong. Pero ibang iba ang lasa ng kanin o kahit na ano pa mang ulam na niluluto sa tungko. Tiyak kong mapapanis ang mga pagkaing iniluto sa kalan kung ihahain kasabay ng mga iniluto sa tungko. Hayaan mo, gagawa na lamang ako ng isa pang blog tungkol dito kung gusto mo.)
Sana rin ay huwag silang mapagod sa kakahalo ng kalamay-hati na kailangang haluin nang haluin hanggang sa makuha ang tamang tamis at lapot na siyang bubuo sa lasa ng paborito kong sumang yakap.
Sana ay Undas na uli.
Sana ay Undas na uli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Mahalaga ang saloobin mo tungkol sa isinulat ko. At least malaman ko man lang na may nagbabasa ng mga pinag-effort-an kong isulat.